News
USA, naglunsad ng mga bagong airstrike sa Iran matapos makapatay ng 2 US soldiers
Nagpakawala ng panibagong serye ng mga airstrike ang Estados Unidos upang parusahan ang Iran matapos maitala ang mga unang nasawing sundalong Amerikano mula nang muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa. Kinumpirma ng US Central Command o CENTCOM na dalawang sundalo ang napatay at isa pa ang nawawala matapos ang naganap na pag-atake gamit ang mga ballistic missile at drone ng Iran sa Jordan. Dahil dito, umabot na sa labing-anim ang kabuuang bilang ng mga Amerikanong sundalong nasawi mula nang magsimula ang labanan noong Pebrero.
Ayon sa ulat ng militar ng Estados Unidos, ang ikawalong sunod-sunod na gabi ng kanilang pambobomba ay naglalayong pahinain ang kakayahan ng Iran na manggulo sa mga barkong pangkalakal na dumadaan sa Strait of Hormuz. Agad namang kinumpirma ng mga ahensya ng balita sa Iran ang mga pag-atake ng Amerika sa Sirik, isang mahalagang pantalan sa timog na bahagi ng bansa. Bunsod ng pinsala sa mga imprastraktura ng kuryente at planta ng tubig dahil sa pambobomba, nakaranas ng matinding kakulangan sa inuming tubig ang ilang mga nayon sa Iran.
Samantala, nagbanta naman ang pinunong panrelihiyon ng Iran na si Mojtaba Khamenei na makakatanggap ng hindi malilimutang leksyon ang pamahalaan ng Amerika dahil sa patuloy na pagpupush ng giyera. Nagbabala rin ang mga opisyal ng militar ng Iran na hindi na lamang sila mananatili sa simpleng pagganti at handa silang maglunsad ng malawakang opensiba kung hindi titigil ang Estados Unidos.
