Metro
Bago at Mas Mabigat na Oil Price Hike, Bubungad sa mga Motorista Ngayong Araw!
Muling haharap sa mabigat na dagok ang mga biyahero at mamimili sa kasunod na malaking pagtaas sa presyo ng petrolyo ngayong ikatlong linggo ng Setyembre.
Ayon sa Department of Energy, lolobo nang hanggang P8.82 bawat litro ang presyo ng diesel. Tataas naman ng P6.47 bawat litro ang kerosene habang P4.88 bawat litro ang idadagdag sa gasolina.
Dahil sa panibagong taas-presyo na ito, umabot na sa P18.31 bawat litro ang Kabuuang itinaas ng diesel sa loob lamang ng tatlong linggo. Umakyat din ng P16.67 bawat litro ang kerosene at P15.25 naman sa gasolina sa kaparehong panahon.
Iniuugnay ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng singil sa langis sa kaguluhan sa Gitnang Silangan at sa pinsalang natamo ng East-West Pipeline sa Saudi Arabia matapos itong atakihin ng drone.
Dahil sa lagpas na sa threshold na $80 bawat bariles ang presyo ng Dubai crude, inihahanda na ng Department of Energy ang mga kinakailangang sertipikasyon para sa posibleng pagpapatigil o pagbawas sa excise tax ng mga produktong petrolyo.
