Metro
OIL PRICE HIKE MULI! Presyo ng Langis at Gas, Inaasahang Tataas Ulit Bukas Hulyo 28!
Maghahanda na naman ang mga motoristang Pilipino sa panibagong serye ng taas-presyo sa petrolyo na inaasahang ipatutupad sa ikaapat na pagkakataon ngayong buwan. Batay sa apat na araw na palitan sa pandaigdigang merkado, tinatayang tataas ng P6.00 hanggang P6.50 bawat litro ang presyo ng diesel, habang ang gasolina naman ay maaaring tumaas ng P5.50 hanggang P6.00 bawat litro.
Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa ay dulot pa rin ng kaguluhan at tensyon sa Middle East na nagiging sanhi ng harang at aberya sa mga pangunahing daanan ng barko tulad ng Strait of Hormuz at Bab el-Mandeb Strait. Ayon sa Department of Energy (DOE), bagama’t nasa ilalim ang bansa ng state of national energy emergency, sinusunod pa rin ang Oil Industry Deregulation Law kung saan nakabatay sa pandaigdigang merkado ang presyo ng petrolyo. Nakatakdang ianunsyo ang pinal na dagdag-presyo ngayong Lunes at opisyal na ipatutupad ng mga kompanya ng langis sa Martes.
