Metro
Signal No. 2 Bagyong Maymay, posibleng mag-landfall sa Ilocos Sur o La Union
Napanatili ng Bagyong Maymay ang kaniyang lakas habang mabagal na kumikilos sa kanluran ng La Union, at inaasahang magda-landfall sa lalawigan ng Ilocos Sur o La Union ngayong hapon o gabi.
Ayon sa huling ulat ng PAGASA, natagpuan ang sentro ng bagyo sa distansyang 170 kilometro sa kanluran ng Bacnotan, La Union. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa sentro at pagbugso na hanggang 80 kilometro bawat oras.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 sa ilang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Mountain Province, at Benguet kung saan inaasahan ang malalakas na hangin. Samantala, nakataas naman ang Signal Number 1 sa mas malawak na bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon.
Bukod sa hangin, magdudulot din ang Bagyong Maymay at ang habagat ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila. Naglabas din ng gale warning ang mga awtoridad dahil sa matataas at mapanganib na alon sa baybayin ng Hilagang Luzon, kaya ipinagbabawal muna ang pagpalaot ng mga sasakyang-dagat.
