News
Probinsya sa Canada, naghahanda ng demanda laban sa OpenAI dahil sa naganap na school shooting
Naghahanda ng kaukulang legal na aksiyon ang probinsya ng British Columbia sa Canada laban sa tech giant na OpenAI. Ito ay matapos umanong mabigo ang kumpanya na iulat sa mga awtoridad ang mararahas na aktibidad at mensahe (prompts) sa ChatGPT ng suspek na si Jesse Van Rootselaar bago nito isagawa ang malagim na pamamaril sa isang paaralan sa bayan ng Tumbler Ridge noong Pebrero.
Ayon sa ulat, sinuspinde at pinagbawalan ng OpenAI ang account ng labing-walong taong gulang na suspek noong Hunyo 2025—ilang buwan bago ang trahedya kung saan walong tao ang nasawi, kabilang ang ina at kapatid ng suspek, pati na ang limang bata at isang guro sa lokal na paaralan. Iginiit ni Provincial Attorney General Niki Sharma na layunin ng demanda na panagutin ang OpenAI at ang mga pinuno nito sa hindi pagbibigay-alam sa kapulisan ukol sa mga mapanganib na indikasyon sa kanilang platform na maaari sanang nakapigil sa insidente.
Nauna nang naghain ng hiwalay na demanda sa California ang mga pamilya ng mga biktima, habang humingi naman ng paumanhin si OpenAI CEO Sam Altman noong Abril dahil sa hindi pag-aalerto sa mga pulis nang i-ban ang account ng suspek. Depensa ng OpenAI, wala silang nakitang matibay na ebidensya ng nagbabantang pag-atake noong panahong iyon, ngunit binigyang-diin nilang mas pinalakas na nila ang kanilang mga panuntunan sa seguridad ngayon upang agad na maipagbigay-alam sa batas ang mga kahalintulad na banta sa hinaharap.
