Entertainment
Jodi Sta. Maria, Boses sa Dokumentaryo sa Mga Kababaihan Ng Bangsamoro
Nagsisilbing tagapagsalaysay ang aktres na si Jodi Sta. Maria sa pinakabagong dokumentaryo ng ABS-CBN News na nakatutok sa kwento ng mga kababaihang Bangsamoro. Ang proyekto na may pamagat na “Hindi Suntok Sa Buwan Ang Kapayapaan” ay nagpapakita ng buhay ng tatlong babaeng dating kabilang sa Bangsamoro Islamic Women Auxiliary Brigade (BIWAB) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang nagbabalik sila sa pamumuhay bilang mga karaniwang mamamayan kasunod ng kasunduang pangkapayapaan noong 2014.
Ito ang unang pagkakataon na sumabak si Jodi sa pagna-narrate ng isang dokumentaryo. Ayon sa aktres, isang malaking karangalan ang maging bahagi ng proyekto dahil marami siyang natutunan habang binabasa ang script at excited siya sa hinaharap ng mga kababaihan at ng buong komunidad na dumaan sa matagal na labanan.
Ang dokumentaryo ay isinulat nina Dianne RJ Obdin at Jeff Canoy. Ayon sa pamunuan ng ABS-CBN News, pinili nila si Jodi dahil sa kakayahan nitong maghatid ng emosyon at lalim sa mga kwentong madalas ay hindi nabibigyang-pansin. Mapapanood ang dokumentaryo sa YouTube channel ng ABS-CBN News, ABS-CBN News Channel, at iWant.
