Sports
Bulgaria, Pasok sa Quarterfinals ng FIVB Men’s Volleyball World Championship!
Matapos ang halos dalawang dekada ng pagkauhaw sa medalya, may pagkakataon na muling makabalik sa entablado ang Bulgaria sa FIVB Men’s Volleyball World Championship.
Pinangunahan ng 21-anyos na outside hitter na si Aleksandar Nikolov ang kanilang mabilis na panalo kontra Portugal, 25-19, 25-23, 25-13, sa MOA Arena kahapon. Anak siya ni Vladimir Nikolov, na tumulong sa Bulgaria para makuha ang huling medalya ng bansa — bronze noong 2006 sa Japan.
Nagpakitang-gilas si Aleksandar sa kanyang 19 puntos para tiyakin ang pagpasok ng Bulgaria (ranked No. 11 sa mundo) sa quarterfinals na gaganapin sa Huwebes. Doon ay makakaharap nila ang Estados Unidos o Slovenia.
“Kung sino man ang makalaban, lalaban kami hanggang sa huling bola. Sana sa araw na iyon, kami ang mas magandang team,” ani Nikolov.
Sa apat na sunod na panalo, kabilang ang pagwalis sa Pool E, buhay pa ang pangarap ng Bulgarians na wakasan ang 19-taong medal drought at muling makapag-uwi ng karangalan.
