Metro
Antas ng tubig sa 3 pangunahing dam sa Luzon, malapit na sa kritikal na level
Nakataas ngayon ang mahigpit na pagbabantay ng mga eksperto sa panahon sa tatlong malalaking imbakan ng tubig sa Luzon matapos magpatuloy ang pagbaba ng antas ng mga ito. Bukod sa Angat Dam sa Bulacan na siyang pangunahing pinagmumulan ng tubig sa Metro Manila, kabilang sa mga tinututukan ng PAGASA ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija, Magat Dam sa Isabela, at San Roque Dam sa Pangasinan.
Ayon sa ulat ng PAGASA, bumaba sa 175.97 metro ang tubig sa Pantabangan Dam na malayo sa karaniwang antas nitong 216 metro. Ang Magat Dam naman ay nasa 161.05 metro na lamang kumpara sa normal nitong 190 metro, samantalang ang San Roque Dam ay naitala sa 226.83 metro mula sa karaniwang 280 metro. Samantala, ang Angat Dam naman ay lalo pang bumaba sa 150.91 metro.
Ipinaliwanag ni Ana Liza Solis mula sa PAGASA na ipinapasailalim sa kategoryang monitored dams ang mga naturang pasilidad upang regular na masubaybayan ng kanilang hydrology division.
