Entertainment
Paglulunsad ng Korean Coachella, pinagpa-planuhan na!
Inanunsyo ng pamahalaan ng Timog Korea ang isang makasaysayang hakbang sa mundo ng musika matapos makipagsanib-puwersa ang apat sa pinakamalalaking K-pop agency sa bansa para sa kauna-unahang gigantikong festival na binansagang bersyon ng bansa ng Coachella. Ang naturang 11-araw na kaganapan ay opisyal na tatawaging “Fanomenon”—pinagsamang salita ng “fan” at “phenomenon”—na layong ipagdiwang ang kultural na epekto ng Hallyu sa buong mundo at magbigay-parangal sa tapat na suporta ng mga tagahanga.
Nagmula ang inisyatibong ito sa Presidential Committee on Popular Culture Exchange ng Timog Korea sa pamumuno ni Culture Minister Chae Hwi-young at ng tagapagtatag ng JYP Entertainment na si J.Y. Park. Upang maisakatuparan ang proyekto, nagbuklod ang JYP kasama ang tatlo pang higanteng K-pop agency—ang HYBE, SM Entertainment, at YG Entertainment—upang bumuo ng isang joint venture na mamamahala sa buong pagtitipon. Dahil dito, inaasahang magsasama-sama sa iisang entablado ang mga sikat na grupo mula sa iba’t ibang kumpanya katulad ng BTS, Blackpink, TWICE, EXO, SEVENTEEN, Stray Kids, Aespa, at marami pang iba.
Nakatakdang idaos ang kauna-unahang Fanomenon mula Disyembre 2 hanggang 12, 2027 sa dalawang pangunahing venue sa Timog Korea: ang Seoul Arena sa Changdong at ang Kintex sa Goyang. Magsisilbing sentro ng mga malalaking konsiyerto at natatanging awarding ceremony para sa mga fandom ang Seoul Arena tuwing katapusan ng linggo.
