News
Vlogger na si Francis Leo Marcos, nahuli muli sa kasong cyberlibel sa Parañaque
Arestado ng mga awtoridad ang internet personality at self-proclaimed trillionaire na si Francis Leo Marcos, na ang tunay na pangalan ay Norman Mangusin. Nabatid na hinuli siya ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa loob ng isang casino sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Ang pag-aresto ay batay sa warrant na inilabas ng Parañaque Regional Trial Court Branch 294 ukol sa tatlong count ng cyberlibel. Ang mga naturang kaso ay inihain laban sa kanya ni Joana Lopez, na asawa ng kapwa niya vlogger at nakalaban sa usapin na si Mark Jayson Warnakulahewa.
Nananatili si Mangusin sa pasilidad ng CIDG sa Camp Crame matapos nitong hindi kaagad makapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P90,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Matatandaang noong nakaraang Pebrero ay naharap din siya sa mga paratang na may kaugnayan sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
