Sports
Tore ng Tagumpay ni Alex Eala Ibinida sa Isang 3D Art Exhibit
Inihahandog ng Pilipinong pintor na si Erickson Abilgos, na mas kilala sa alyas na GURU, ang labing-tatlong kakaibang 3D painting na nagpapakita ng tagumpay at pagsisikap ng tennis star na si Alex Eala.
Pinamagatang “Beyond the Court: A Tribute Exhibition to Alex Eala,” binuo ang eksibit sa loob ng anim na buwan sa kahilingan ng art collector na si Carol Enriquez. Ayon kay Abilgos, malaking inspirasyon si Eala sa mga Pilipino dahil sa ipinapakita nitong tapang at dedikasyon sa bawat laban, nananalo man o natatalo. Inihalintulad pa niya ang epekto ng mga laro ng tennis star sa mga laban ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao na nagbubuklod sa mga mamamayan.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Abilgos na personal na maipakita ang kanyang mga obra kay Eala sa tahanan nito sa Taguig noong Enero, kung saan labis siyang humanga sa kababaang-loob at kabaitan ng atleta.
