Metro
DILG, nag-imbestiga sa umano’y mabagal na tugon ng 911 emergency hotline
Inatasan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang pagpapatupad ng imbestigasyon hinggil sa natanggap na reklamo kaugnay ng umano’y pagkaantala ng tugon ng 911 hotline sa isang emergency sa Taguig. Nag-ugat ang pagsisiyasat matapos maging viral sa social media ang pahayag ni Basti Askri kung saan sinabi nitong halos sampung minuto silang tumawag sa hotline nang walang sumasagot habang inaatake sa puso ang kanyang 71 anyos na ama.
Dagdag pa ng pamilya, dumating ang ambulansya na walang kinakailangang kagamitang medikal tulad ng automated external defibrillator kaya sila mismo ang gumawa ng cardiopulmonary resuscitation sa pasyente na kalaunan ay pumanaw rin. Sa kabila ng mga pahayag ng pamilya, linaw ni Remulla na batay sa paunang tala ay agad namang umaksyon ang hotline sa natanggap na tawag. Titiyakin ng kagawaran na susuriing mabuti ang buong proseso ng pagtugon at ang kahandaan ng mga kagamitang medikal sa mga ginagamit na ambulansya.
