Metro
Daan-daang Mamamayan, Nagprotesta sa Gitna ng Baha Laban sa Korapsyon sa Bulacan!
Daan-daang residente, magsasaka, at mangingisda ang lumusong sa baha sa Malolos, Bulacan noong August 31 para magprotesta laban sa umano’y maanomalyang flood control projects at reclamation developments sa lalawigan. Ang nasabing kilos-protesta na ginanap sa Araw ng mga Bayani ay pinangunahan ng Kilos Bulacan kasama ang Pamalakaya, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at Anakpawis Party-list.
Ayon sa mga grupo, bagama’t ang masamang panahon at ang matinding pag-ulan dulot ng Habagat ang naging dahilan ng pagbaha, lalo pang pinalala ng mga palpak at maanomalyang proyekto ang sitwasyon sa kanilang mga komunidad. Iginiit ng Pamalakaya na ang mga reclamation project tulad ng New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan ay nagdulot ng pagkawala ng kabuhayan ng halos 1,000 pamilya ng mangingisda at pagkasira ng mga bakawan. Sa kabila ng matinding pagbaha sa lalawigan na idineklara na rin sa ilalim ng state of calamity, nagpatuloy pa rin ang mga misa at binyag sa makasaysayang Barasoain Church kahit umabot na sa loob nito ang tubig.
Samantala, matinding hinagupit din ng Habagat ang karatig-lalawigan ng Tarlac, kung saan nagdulot ito ng malawakang pagbaha na sumira sa mahahalagang imprastraktura tulad ng mga tulay at nagpabagsak sa kabuhayan ng maraming residente, dahilan upang magdeklara rin ang lalawigan ng state of calamity.
