News
Bangkok, Nagdeklara ng State of Disaster Dahil sa Malubhang Baha
Nagdeklara ng disaster status ang mga awtoridad sa lahat ng limampung distrito ng Bangkok matapos ang halos dalawang araw na walang patid na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Dahil sa matinding buhos ng ulan na umabot sa mahigit tatlong daang milimetro, lumubog sa baha ang mga kalsada, kabahayan, at mga establisimiyento. Umabot na hanggang baywang ang tubig sa ilang lugar, dahilan upang mapilitang lumikas ang humigit-kumulang isang libong residente patungo sa mga temporary shelter. Dahil sa emergency na ito, pinalitan at pinaikli ni Prime Minister Anutin Charnvirakul ang kanyang opisyal na biyahe sa London upang agad na makabalik ng bansa.
Dahil sa puno na ang mga kanal at gumagana na sa buong kapasidad ang mga pumping station ng lungsod, suspended muna ang mga klase sa mga paaralan habang ipinatutupad naman ang work-from-home setup sa ilang tanggapan. Tiniyak naman ng pamahalaan ng Bangkok na kontrolado pa rin ang supply ng pagkain habang patuloy ang pamamahagi ng mga sandbag at tulong sa mga apektadong residente.
