Bago pa man siya naging isa sa pinakasikat na singer-songwriter sa bansa, ibinunyag ng OPM icon na si Yeng Constantino na nag-audition siya noon para maging miyembro ng sikat na grupo na SexBomb Girls.
Sa kanyang pagbisita sa programang “Fast Talk with Boy Abunda,” inalala ng singer na labing-apat na taong gulang pa lamang siya nang sumabak sa audition. Sinunod niya ang payo ng kanyang ina na talagang gustong maging artista ang anak at nakikita noon ang kasikatan ng mga miyembro ng grupo tulad nina Rochelle Pangilinan at Jopay Paguia.
Bagamat hindi pinalad na matanggap, inamin ni Yeng na nakahinga pa siya nang maluwag dahil alam niyang hindi talaga pagsasayaw ang kanyang forte. Iginiit naman ng singer na nananatili siyang tagahanga ng legendary girl group dahil halos lahat ng Pilipino ay lumaki sa kanilang mga kanta at sayaw.
Hindi man pinalad sa grupo, nagtuloy-tuloy pa rin ang tagumpay ni Yeng sa larangan ng musika. Nakatakda na rin siyang umupo bilang isa sa mga hurado sa bagong panahon ng “The Voice Kids” kasama sina Julie Anne San Jose at Gloc-9.
