Nasa pintuan na ng kasaysayan ang Atletang Pilipino sa Asian Games na ginaganap sa Nagoya, Japan matapos makapasok sa championship match ang mixed martial arts fighter na si Jean Claude Saclag at umabante sa apat na finals ang Olympic gymnast na si Carlos Yulo.
Isang panalo na lamang ang kailangan ni Saclag sa men’s traditional 65kg division upang maipagkaloob sa bansa ang kauna-unahang gintong medalya sa torneo at sa kasaysayan ng MMA sa Asian Games. Makakalaban ng tubong-Baguio warrior sa finals ang kinatawan ng Tajikistan matapos nitong dominahin sa semifinals ang katunggaling mula sa Japan sa pamamagitan ng unanimous decision.
Samantala, namayagpag din si Carlos Yulo sa gymnastics matapos makapasok sa finals ng floor exercise, vault, at parallel bars. Kasama rin niya sa floor exercise finals ang kaniyang kapatid na si Karl Eldrew Yulo, habang makakasama naman niya si Juancho Miguel Besana sa medal round ng vault event.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang atletang Pilipino sa palaro. Pumasok sa quarterfinals ang pambansang koponan ng kababaihan sa football na Filipinas, habang nagtala naman ng bagong pambansang rekor sa swimming si Kayla Sanchez sa women’s 50m backstroke event.
