Sasalubungin ng Pilipinas ang bagong taon sa pamamagitan ng pagho-host ng isang prestihiyosong international surfing event. Gaganapin ang La Union International Pro, isang World Surf League (WSL) Longboard International Qualifying event, mula Enero 20 hanggang 24 sa Urbiztondo Beach sa San Juan, La Union.
Inaasahang dadagsa ang mga top longboard surfers mula sa iba’t ibang panig ng mundo dahil apat na direktang puwesto sa 2026 WSL Longboard World Tour ang nakataya. Ayon sa WSL, layunin ng bagong format ng torneo na magbigay ng mas maraming oportunidad sa mga longboarder mula sa lahat ng rehiyon na makapasok sa pinakamalaking entablado ng isport.
Ikinatuwa naman ni Philippine Sports Commission chairman Patrick Gregorio ang pagdaraos ng event, na aniya’y patunay ng lumalakas na sports tourism ng bansa. Dagdag niya, magsisilbing perpektong venue ang world-class waves ng Monalisa Point para sa labanan ng pinakamahusay na lalaki at babaeng longboarders sa mundo.
Bukas ang kompetisyon sa lahat ng WSL Longboard Qualifying Series surfers, kabilang ang mga Pilipino, na magkakaroon ng pagkakataong ipamalas ang kanilang galing sa sariling baybayin at ilagay ang Pilipinas sa mas mataas na antas ng global surfing scene.
