Isang federal judge ang nag-utos nitong Miyerkules na ibasura ang malalaking funding cuts ng administrasyong Trump laban sa Harvard University, na nag-freeze ng mahigit $2 bilyon dahil sa alegasyon ng antisemitism at bias.
Iginiit ng administrasyon na makatarungan ang kanilang hakbang, na nakatuon umano sa kabiguan ng Harvard na protektahan ang mga Jewish at Israeli students sa gitna ng mga protesta laban sa giyera sa Gaza. Mariing itinanggi ito ng Harvard, na nagsabing nais lamang ni Trump na kontrolin ang hiring, admissions at curriculum ng unibersidad.
Ayon kay Boston federal judge Allison Burroughs, nilalabag ng funding freeze at termination letters ang First Amendment. Inatasan niyang ibalik ang pondo at ipinagbawal ang paggamit ng parehong batayan para muling magputol ng pondo sa hinaharap.
Dahil sa freeze, napilitang magpatupad ng hiring freeze ang Harvard at pansamantalang ihinto ang ilang research programs, kabilang ang sa public health at medical fields, na ayon sa mga eksperto ay nagbanta sa buhay ng mga Amerikano.
Bagama’t malaking panalo ang hatol, posible pa ring makipag-areglo ang Harvard sa administrasyon, tulad ng ginawa ng ibang unibersidad. Ayon kay Albany Law School professor Ray Brescia, may usap-usapan ukol sa posibleng $500 milyon na settlement kapalit ng pormal na pagkilala sa mga alegasyon ng Trump.
Hindi agad nagbigay ng komento ang Harvard hinggil sa desisyon.
