Muling nagbalik sa serbisyo publiko ang dating senador at boxing icon na si Manny Pacquiao matapos siyang italaga at manumpa bilang bagong Secretary at Lead Convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Ginanap ang kanyang pagpanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang.
Pinalitan ni Pacquiao sa nasabing posisyon si Lope Santos III na nagsilbi mula noong 2023. Sa ilalim ng kanyang bagong tungkulin na may antas na miyembro ng Gabinete, pangungunahan ng pambansang kamao ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan at pribadong sektor upang magpatupad ng mga programa laban sa kahirapan sa bansa.
Ang pagkakatalaga kay Pacquiao ay kasunod ng kamakailang paglilipat ng supervision ng NAPC pabalik sa Office of the President mula sa DSWD. Matatandaang huling nagsilbi sa gobyerno ang dating pambansang kamao bilang senador hanggang noong Hunyo 2022 bago tumakbo sa pagkapangulo at muling sumubok sa halalan noong 2025.
