Pansamantalang hahawakan ng comedy icon na si Michael V., o Bitoy, ang pagho-host ng sikat na game show na Family Feud sa GMA Network. Ito ay habang abala ang regular host ng programa na si Dingdong Dantes sa taping ng kanyang bagong proyekto na The Master Cutter.
Inamin ni Bitoy na matagal na niyang namimiss ang pagho-host. Sobrang saya umano niya nang makabalik sa set dahil paborito niya ang pakikipag-interact sa mga contestant at ang pag-alam sa kanilang mga personalidad sa pamamagitan ng kanilang mga sagot.
Bukod sa kanyang natural na pagpapatawa, nagdala rin si Bitoy ng sarili niyang twist sa laro. Imbes na sa mesa lang ipatong ng mga contestant ang kanilang mga kamay habang nag-aagawan sa buzzer, pinapahawak niya ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng sa ulo para sa beauty queens, o sa sahig para sa mga dancer.
Mapapanood si Bitoy sa Family Feud tuwing hapon sa GMA Network at sa Kapuso Stream, habang patuloy pa rin ang kanyang mga regular na palabas na Pepito Manaloto at Bubble Gang.
