Walang Pilipinong naapektuhan o nasaktan sa mga naganap na pagsabog kamakailan sa Riyadh, Saudi Arabia, ayon sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW).
Nagmula ang mga pagsabog sa serye ng pag-atake ng mga militanteng Houthi gamit ang mga drone at missile na tumama sa kabisera ng Saudi Arabia pati na rin sa mga pasilidad ng langis sa bahagi ng Red Sea.
Tiniyak ng DMW na nakahanda ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Embassy at MWO sa Saudi Arabia na magbigay ng agarang tulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kung kinakailangan.
Nagpaalala ang DMW sa mga kababayan sa rehiyon na manatiling alerto at sumunod sa mga payo at babala ng mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
