Nagdulot ng tawanan sa studio at online world ang palitan ng hirit sa pagitan ng Kapuso actress na si Max Collins at ng host-comedian na si Ryan Bang sa ginanap na “Miss Q&A” segment ng noontime show na It’s Showtime.
Nagsimula ang kulitan nang muling subukan ng Unkabogable Superstar na si Vice Ganda na irereto si Ryan kay Max. Tinanong ng TV host ang aktres kung available ito at kung pumapayag bang lumabas kasama si Ryan sa darating na katapusan ng linggo.
Sa halip na seryosong sagot, mabilis na bumanat si Max ng kanyang nakatutuwang tanong na: “Ito na ba ‘yung chance mag-mukbang tayo?”
Agad na humalakhak si Vice Ganda sa naging tugon ng aktres at nag-iwan pa ng pabirong komento tungkol sa mga makakapanood sa gagawin nilang mukbang.
Ang tila simpleng alok na ito tungkol sa pagkain ay mabilis na nagmarka at nagpatawa sa mga manonood dahil sa posibleng doubler meaning o malisyosong pakahulugan nito. Ang mukbang ay kilalang online content kung saan kumakain ang isang tao ng napakaraming pagkain habang nakikipag-usap sa kanyang mga tagapanood.
