Magpapatupad ng tatlong araw na transport strike ang grupong Manibela mula Setyembre 28 hanggang 30 bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa grupo, hindi na kayang tiisin ng mga drayber at operator ang lumalaking gastos sa pamamasada na direktang nagpapababa sa kani-kanilang naiuuwing kita para sa pamilya. Kabilang sa kanilang mga hinihingi ang pagbaba ng presyo ng langis, pag-aalis ng excise tax at value-added tax sa mga produktong petrolyo, at mga pangmatagalang solusyon upang maprotektahan ang sektor ng transportasyon mula sa pagsirit ng presyo ng gasolina at krudo.
Lalahukan ang welga ng mga drayber ng jeepney, TNVS, E-Jeep, UV Express, motorcycle taxi, at maging ng ilang grupo ng mga trucker at customs broker. Samantala, nagbabala naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga operator na maaari silang patawan ng show-cause order, multa na hindi bababa sa limang libong piso, o pagkansela ng prangkisa sakaling matukoy na nagkaroon ng pag-iwan sa kanilang biyahe at serbisyo.
