Patuloy na makararanas ng malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas hanggang ngayong Linggo dahil sa patuloy na pag-iral ng hanging habagat. Batay sa ulat ng Pagasa, maaaring umabot sa 200 milimetro ng ulan ang maitala sa Occidental Mindoro, habang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan naman ang inaasahan sa Metro Manila, Cavite, Batangas, Zambales, Bataan, Pampanga, Tarlac, Bulacan, at Oriental Mindoro.
Ayon sa estado ng panahon, pinalalakas ng bagyong Krovanh (na dating tinawag na Pilandok) ang hanging habagat kahit na nakalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility. Dahil sa pag-ulang ito, nagbabala ang Pagasa sa mga residente ng Luzon at Visayas laban sa posibleng banta ng pagbaha at pagguho ng lupa, habang maulap na kalangitan na may biglaang pag-ulan naman ang inaasahan sa Mindanao.
