Site icon PULSE PH

Kultura at kasaysayan sa pelikulang Pilipino, nanganganib na mawala?!

Nakaharap sa malaking hamon ang industriya ng pelikulang Pilipino dahil sa mabilis na pagkawala ng mga lumang pelikula na bahagi ng pamana at kasaysayan ng bansa. Sa ginanap na ASEAN Film and Television Summit na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines, binigyang-diin ng mga eksperto at kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa Asya ang kahalagahan ng pagpreserba sa mga audiovisual archive.

Ayon sa mga tala mula sa talakayan, mahigit walong libong pelikula ang naidokumento sa bansa mula 1919 hanggang 2012, ngunit kalahati lamang sa mga ito ang may natitirang kopya. Sa mga natitirang kopyang ito, humigit-kumulang dalawang libo lamang ang nasa anyo ng totoong film print, kung saan karamihan ay mula pa noong dekada otsenta pataas. Mas nakababahala ang estado ng mga pelikulang ginawa bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil limang pamagat na lamang ang natitira sa kasalukuyan.

Mula sa panayam kay Leo Katigbak, consultant ng Philippine Film Archives at dating pinuno ng Sagip Pelikula ng ABS-CBN, ipinaliwanag niya na malaking pondo at imprastraktura ang kailangan upang makapagtayo ng mas malalaking film vault at maipanumbalik ang mga lumang reel. Dagdag pa rito, nahaharap din ang sektor sa mga suliranin tulad ng pagkaluma ng mga kagamitan at kaukulang gastos sa patuloy na paglilipat ng mga digital file.

Exit mobile version