Nagpahayag ng kanilang saloobin ang mga jeepney driver at nag-anyaya ng masa para mag-protesta laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Ayon kay Mody Floranda, presidente ng PISTON, hindi sapat ang hakbang ng gobyerno para pigilan ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
Isinuggest ni Floranda na suspindehin muna ang excise taxes sa ilalim ng TRAIN law at VAT upang pababain ang presyo ng langis. Pati na rin ang pagsusuri sa presyo ng langis upang matukoy ang mga nagmamanipula sa presyo.
Simula Oktubre, napakalaking lugi na ang naranasan ng mga jeepney driver, na umaabot sa P1,700 na gastusin sa gasolina kada araw. Kasama ng mga driver, nanawagan si Floranda sa mga operator at pasahero na sumama sa protesta.
Ayon sa progresibong grupo ng Bayan, kailangan nang amyendahan o tuluyang ipatigil ang Oil Deregulation Law ng 1998 para makabalik ang regulasyon sa industriya ng langis at pigilan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo.
