Mariing kinondena ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang aksyon ng mga awtoridad sa China laban sa mahigit 100 Pilipino roon at tinawag itong isang malinaw na anyo ng pangingikil at panggigipit. Isinagawa ng China ang pag-aresto sa mga nasabing Pilipino dahil umano sa iligal na pagtatrabaho at paninirahan, na nakikitang ganti ng Beijing sa ginawang huli ng Pilipinas sa mga tsinese na sangkot sa iligal na negosyo.
Binigyang-diin ni Teodoro na ang pag-aresto sa mga dayuhang tsinese sa Pilipinas ay batay sa legal na proseso at mga warrant na inilabas ng korte. Aniya, hindi katanggap-tanggap na ginagamit ng pamahalaan ng China ang mga Pilipino upang protektahan ang kanilang mga mamamayang lumalabag sa batas ng Pilipinas. Dagdag pa ng kalihim, ang ginagawang pagtatakip ng Beijing ay patunay lamang ng kanilang pakikipagsabwatan sa mga iligal na gawain sa bansa.
