Nawawalan man ng lakas ang katawan, buhay na buhay pa rin ang pag-asa ng indie actress na si Jorrybell Agoto habang nakikipaglaban siya sa matinding karamdaman. Ang artista, na siyang bida sa pelikulang Filipiñana na opisyal na kalahok ng Pilipinas sa 2027 Academy Awards, ay kasalukuyang nasa Critical Care Unit ng St. Luke’s Hospital dahil sa lumalalang lymphoma o cancer sa lymphatic system.
Ayon sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa industriya, nahihirapan nang huminga ang aktrisa dahil napupuno ng likido ang kanyang baga at kinailangan pa itong lagyan ng tubo upang makatulong sa kanyang paghinga. Dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa ospital, gamot, at mga medikal na pamamaraan, nanawagan ng tulong pinansyal, panalangin, at suporta ang kanyang mga mahal sa buhay upang maipagpatuloy niya ang kanyang laban. Nakilala si Agoto sa kanyang husay sa teatro at mga indie films gaya ng Primetime Mother, Tether, at Cross My Heart and Hope to Die bago niya pinangunahan ang pambato ng bansa para sa Oscars.
