Ipinahayag ng pambansang atleta at pole vaulter na si EJ Obiena na matagal na niyang inaasahan ang patuloy na pag-angat ng karera ng tennis star na si Alex Eala sa mundo ng palakasan.
Ayon kay Obiena, napansin na niya ang matinding potensyal ni Eala mula pa noong magpasiklab ito sa Miami Open noong nakaraang taon. Bilib na bilib ang kampeon sa kumpiyansang ipinapakita ng batang atletang Pilipina sa tuwing humaharap ito sa mga pinakamahuhusay na manlalaro sa buong mundo.
Binigyang-diin ng pole vaulter na ang bawat tagumpay ni Eala ay hindi nakuha sa tsamba o suwerte lamang. Pinatunayan ito ng kamakailang pagdomina ni Eala sa Mubadala DC Open sa Washington, DC, kung saan ginapi niya ang World No. 4 na si Jessica Pegula.
