Tiniyak ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang direktang banta sa teritoryo ng Pilipinas sa kabila ng umiinit na tensyon sa Middle East.
Ayon sa DND, nananatiling nakapokus at limitado sa rehiyon ang airstrikes sa pagitan ng Estados Unidos, Israel at Iran. Wala ring natatanggap na ulat ang mga embahada ng Pilipinas sa apektadong lugar na may napahamak na Pilipino, batay sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr..
Gayunman, hinikayat ng AFP ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag at umasa lamang sa opisyal at beripikadong impormasyon. Nagbabala rin ang DND laban sa pagkalat ng maling balita na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang panic.
Kasunod ito ng pinagsanib na pag-atake ng US at Israel sa nuclear sites ng Iran noong Pebrero 28, na nagresulta sa daan-daang nasawi at patuloy na ganting pag-atake ng Iran sa ilang base sa Persian Gulf, kabilang ang United Arab Emirates at Qatar.
Dahil milyon-milyong Pilipino ang nasa Middle East, inatasan ng Pangulo ang Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na magpatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga OFW. Nakaantabay din ang AFP para sa posibleng humanitarian at evacuation operations kung kinakailangan.
Para sa agarang tulong, maaaring makipag-ugnayan ang mga OFW at kanilang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga sumusunod na hotline:
Metro Manila – 138
Regional (mobile) – (02) 1348
International – (+632) 1348
Viber (Globe) – +63 915 079 5005
Viber (Smart) – +63 969 169 7068
Viber (Globe) – +63 966 473 9543
