Matapos ang kanyang pag-urong sa kompetisyon noong 2022 dahil sa pagpanaw ng kanyang ama, nagbabalik nang mas matatag si Gwendoline Meliz Soriano ng Baguio City upang sungkitin ang korona ng Binibining Pilipinas International 2026. Sa naganap na koronasyon sa Smart Araneta Coliseum, pinatunayan ni Soriano na may tamang panahon para sa lahat matapos niyang dominahin ang entablado at iuwi rin ang limang espesyal na parangal kabilang ang Best in Swimsuit at Best in Evening Gown. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng sampung taon na napunta sa Baguio ang prestihiyosong titulo mula noong huling manalo si Kylie Verzosa.
Hindi rin nagpahuli si Sasha-Juli Belle Lacuna ng Tarlac na siyang nagwagi bilang Binibining Pilipinas Globe 2026. Ayon kay Lacuna, handa siyang ipagpatuloy ang legasiya ng organisasyon sa pamamagitan ng pagtulong at paglilingkod sa mga Pilipino sa kabila ng mga hamon. Siya ang unang sasabak sa pandaigdigang entablado para sa Miss Globe 2026 na gaganapin sa Thailand ngayong darating na Oktubre. Samantala, itinanghal naman bilang first runner-up si Julianne Raine Antonio ng Dumaguete at second runner-up si Tracy Mae Sunio ng Bacolod.
