Naglabas na ng opisyal na trailer ang HBO Max para sa inaabangang TV series adaptation ng Harry Potter bago ang nakatakdang pagpapalabas nito sa Araw ng Pasko. Tampok sa bagong serye ang isang buong bagong pool ng mga aktor, kung saan ang unang season ay batay sa unang libro na Harry Potter and the Philosopher’s Stone.
Gagampanan ni Dominic McLaughlin ang pambato at pangunahing karakter na si Harry Potter, kasama sina Arabella Stanton bilang Hermione Granger at Alastair Stout bilang Ron Weasley. Mapapanood sa trailer ang pagdating ng mga bagong estudyante sa Hogwarts, ang Sorting Ceremony kung saan silang tatlo ay napunta sa Gryffindor, at ang pagtanggap sa kanila ni Headmaster Albus Dumbledore na ginagampanan naman ni Jon Lithgow.
Ipinakita rin sa maikling patikim ang iba’t ibang klase ni Harry sa magic, tulad ng Flying at Potions, pati na rin ang pagsubok sa Quidditch, wizard chess, ang kanyang kuwago na si Hedwig, at ang Invisibility Cloak. Nakasama rin sa trailer sina Janet McTeer bilang Professor McGonagall, Nick Frost bilang Hagrid, at Paapa Essiedu bilang Professor Snape, habang nagtatapos ito sa isang nakatutuwang eksena kung saan pinagagalitan ni Hermione sina Harry at Ron sa hindi pagbabasa ng kanilang mga aralin.
