Tinatanggap ng Pinay tennis star na si Alex Eala ang matinding presyur na dala ng napakalaking suporta at pagmamahal ng kanyang mga tagahanga. Sa kanyang pakikipag-usap sa Russian tennis legend na si Maria Sharapova sa podcast na Pretty Tough, inamin ng 21-taong-gulang na atleta na bagama’t mabigat ang dala nitong responsibilidad, ginagamit niya ito upang mas pagbutihin pa ang kanyang laro.
Ayon sa kasalukuyang World No. 18, batid niya ang halaga ng pagrerepresenta sa bansa at ang pagiging ehemplo sa maraming tao na tumitingala sa kanya. Sa kabila ng dagdag na presyur sa tuwing natatalo, sinabi ni Eala na naniniwala siya sa kasabihang ang presyur ay isang pribilehiyo at masaya siyang nasa posisyon kung saan inaasahan siyang manalo.
Matapos ang kanyang mga matagumpay na laban sa Miami Open, Wimbledon, US Open, at ang makasaysayang pagreyna sa Mubadala DC Open bilang unang Pilipino na nanalo ng WTA title, nakatakdang magbalik-aksyon si Eala sa Wuhan Open sa susunod na linggo.
