Entertainment
Carmelle Collado, Magiging Kinatawan ng Pilipinas sa Unang Eurovision Song Contest Asia
Muling magpapakitang-gilas ang talentong Pinoy sa international stage matapos magwagi ang dating Pinoy Big Brother housemate na si Carmelle Collado bilang opisyal na kinatawan ng bansa sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia.
Nakuha ng young singer ang pwesto matapos niyang talunin ang siyam na iba pang finalists sa ginanap na Philippine Selection Night sa New Frontier Theater noong August 30. Ang kanyang winning entry ay ang masiglang kanta na Sobra-Sobra, na isinulat at binuo nina Nica del Rosario at Mat Olavides. Pinagsamang boto mula sa professional jury, pampublikong boto sa Pilipinas, at boto mula sa ibang bansa ang nagpanalo sa kaniya.
Hindi na bago sa kompetisyon si Carmelle dahil siya rin ang naging grand champion ng Tawag ng Tanghalan The School Showdown noong 2025 at naging first runner-up sa The Voice Kids Philippines noong 2019. Makikipagtagisan siya ng galing sa iba’t ibang bansa sa Asya sa gaganaping opisyal na kompetisyon sa Bangkok, Thailand ngayong darating na November 14.
