Arestado ang limang suspek sa illegal drugs habang dalawang drug den naman ang matagumpay na naipasara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na operasyon sa Lanao del Sur at Sarangani.
Sa bayan ng Wao, Lanao del Sur, tatlong lalaki ang nahuli ng mga tauhan ng PDEA-BARMM, pulisya, at militar habang nagbebenta ng shabu sa loob mismo ng kanilang drug den sa Barangay Panang. Nakasamsam ang mga awtoridad ng 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng nasa P102,000 mula sa mga suspek.
Samantala sa Malapatan, Sarangani, naaresto rin ng PDEA Region 12 at ng lokal na pulisya ang dalawa pang suspek matapos mahulihan ng shabu sa Barangay Sapu Masla. Tumakas naman ang itinuturong utak at malakihang drug dealer sa lugar na nakilalang si Esmael matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad. Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga nadakip na suspek.
